Kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental, lagpas 300 na

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 05:28 PM

Karamihan sa bagong naitalang kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental ay mula sa mga umuwing stranded na mga residente. Martian Muyco, ABS-CBN News

Nakapagtala na ng 307 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Negros Occidental, kung saan 35 ang bagong naidagdag, base sa bulletin ng Department of Health Western Visayas Miyerkoles. 

Kasama sa bilang ang isang 6-buwang sanggol at 1-taong gulang na bata. Lahat sila ay nasa quarantine facility na at pawang asymptomatic. 

Ayon kay Provincial Health Officer Dr. Ernell Tumimbang, karamihan sa mga bagong kaso na naitala ay mga stranded na nagsimulang magdatingan sa Negros mula sa Maynila nitong Biyernes. 

Ayon kay Tumimbang, malaki ang posibilidad na nagkahawahan habang nasa barko pa ang mga pasahero. 

Walang pondo ang probinsiya para mapasakay sa eroplano ang mga gustong umuwi kaya muli siyang nanawagan sa mga stranded na gustong umuwi na dapat sundin ang minimum health standards gaya na lamang ng paggamit ng face mask, physical distancing at paghuhugas ng kamay. 

Pagdating naman sa probinsya, dapat ding sundin ang protocol para maiwasan ang pagkalat ng virus at ma-proteksyonan ang komunidad, ayon kay Tumimbang. 

Pansamantalang kanselado ang biyahe ng mga barko mula Maynila patungong Bacolod na para sana sa mga na-stranded. 

Paliwanag ng lalawigan, hiningi nila ang cancellation of trips sa Inter-Agency Task Force on COVID-19 dahil puno na ang mga quarantine facility ng lokal na pamahalaan. 

Pahihintulutan naman ang pagbiyahe muli ng mga barko kung may lugar na sa mga quarantine facility.