Higit 300,000 bata sa Bangsamoro nabigyan ng polio vaccine

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 02:35 PM

Nabigyan na ng bakuna kontra polio ang higit 300,000 bata sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), sabi ng Ministry of Health ng rehiyon ngayong Huwebes.

"Let us do this not for the recognition but for the sake of our children in BARMM. We cannot allow them to be exposed in many health risks while facing a health crisis," ani Health Minister Saffrullah Dipatuan.

Target mabakunahan ang 839,677 bata sa buong Bangsamoro region, kasama iyong mga may edad 5 pababa sa Maguindanao at Lanao del Sur, at hanggang 10 taong gulang sa Basilan, Sulu, at Tawi-tawi.

Nagsimula ulit noong Lunes ang malawakang pagbabakuna kontra polio sa Mindanao matapos maantala bunsod ng COVID-19 pandemic. Tatagal ang kampanya hanggang Agosto 2, ayon sa Department of Health.

Bilang pag-iingat kaugnay sa patuloy na banta ng COVID-19, ipinatupad ang "no touch approach," kung saan tanging ang magulang o guardian ng bata lang ang hahawak sa mukha at bibig nito sa pagbabakuna.

Kapag nagbibigay ng bakuna, susundin din ng mga health worker ang health standards tulad ng pagsusuot ng mask, physical distancing, at paghuhugas ng kamay.

Noong Setyembre 2019, kinumpirma ng DOH ang pagbabalik ng polio sa Pilipinas, halos 2 dekada matapos ideklara ng World Health Oranization na "polio-free" ang bansa.

Ang polio ay isang nakahahawang sakit na kadalasang tumatama sa mga bata. Kapag lumala ay nagdudulot ito ng paralysis at kamatayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.