Halos 200 huli sa paglabag sa GCQ protocols sa Cavite

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 01:13 PM

Hinuli sa Cavite ang aabot sa 197 na lumabag sa mga panuntunan sa ilalim ng general community quarantine mula Miyerkoles hanggang madaling araw ng Huwebes. 

Sa datos mula sa public information office ng Cavite police provincial office, 57 sa mga nahuli ang walang face mask. 

Aabot naman sa 109 ang nahuli sa labas ng bahay habang may curfew, habang 31 ang hindi sumunod sa physical distancing. 

Dahil problemado na ang mga presinto sa Cavite sa overcrowding sa mga kulungan, hindi na ikinukulong ang karamihan sa mga nahuhuli at dinadala lang sa presinto para sa dokumentasyon at pagsasabihan.

Kailangan ding gumawa ng community service ang mga nahuli.

Pero babala ng pulisya sa Cavite, tinutuluyan nilang kasuhan ang mga maangas at 'yung mga paulit-ulit nang nahuhuli. 

-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.