Distance learning, malaking hamon para sa mga coastal areas sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 12:32 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Halos isang oras ang biyahe sa bangka mula Lubao, Pampanga bago makarating ang mga guro sa coastal barangay ng Mabuan-buan sa bayan ng Sasmuan, kung saan karamihan ay umaasa sa pangingisda.

Isa sa mga residente dito ang pamilyang Esguerra, na may 5 batang nag-aaral. Aminado silang mahirap ang buhay sa panahon ng quarantine dulot ng coronavirus pandemic dahil mahina ang biyahe sa kanilang barangay at kaunti ang namimili ng kanilang isda at alimasag.

Bukod dito, hamon sa kanila kung paano maipagpapatuloy ang edukasyon ng 5 bata sa pamilya kung online ang pag-aaral lalo't walang mga gadget at hirap ang internet connection sa coastal barangays ng Sasmuan.

"Gusto ko yung makapag-aral sila...para hindi po sila magaya sa amin. Kasi po naranasan talaga namin yung mahirap,” ani Shirley Esguerra, ina ng mga bata.

Ayon sa mga opisyal ng Sasmuan, hindi nila matutugunan ang problema sa online at distance learning sa kasalukuyan.

"Fourth class municipality ang Sasmuan. Hindi po kaya ng budget ang mabigyan natin lahat ng mga estudyante ng laptops. Our resources are limited,” ani councilor Ryan Cabrera.

Ayon sa mga guro, ipapatupad muna ang modular method of learning sa Sasmuan. Ang modular method ay kung saan makakakuha ng printed learning materials ang mga estudyante mula sa mga guro at aaralin ito sa bahay, sa ilalim ng supervision din ng kanilang mga teachers.

“Nagbahay-bahay po kami. Since walang internet, walang means online...they prefer 'yung mga books, 'yung mga modules po. We need to go sa mga bahay nila para po maiabot sa kanila iyon,” ani Belsie Pabillon, teacher-in-charge ng Mabuan-buan Elementary School.

Pero may pangamba pa rin ang mga magulang, tulad ni Shirley. Sa hirap na ng buhay ngayon dala ng pandemiya, mahahati pa umano ang oras nila sa trabaho at pagtuturo.

“Dagdag-trabaho din po yun."

Pangako naman ng mga guro sa coastal barangays sa Pampanga na aantabay sila sa mga estudyante at magulang para tugunan ang lahat ng mga katanungan para muling maipagpatuloy ang pag-aaral.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.