Dati umanong miyembro ng Alex Boncayao Brigade, patay sa pamamaril sa Cadiz City

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 09:52 PM

CADIZ CITY, Negros Occidental - Patay sa pamamaril ang isang 44 anyos na lalaki sa Barangay Daga sa Cadiz City, Negros Occidental Huwebes ng umaga.

Kinilala ang biktima na si Jose Renante Fernandez. Ayon kay Cadiz City Police Chief Lt.Col Robert Mansueto, dati umanong miyembro ng Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade ang biktima.

Nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo at binti na siya nitong ikinamatay.

Dagdag pa ni Mansueto, sakay ng motorsiklong minamaneho ni Gerson Pechon si Fernandez. Patungo sila sa barangay hall para dumalo sa isang hearing para sa reklamong isinampa niya laban sa may utang sa kanya.

Nang makarating sa may bahagi ng national highway malapit sa St. Anne's Hospital, 2 lalaking nakamotorsiklo ang sumunod sa kanila at binaril si Fernandez.

Gumanti umano ng putok si Pechon pero hindi niya natamaan ang dalawang salarin na nakatakas.

Tintingnan na ng pulisya ang lahat ng posibleng motibo sa krimen. Ayon rin may Mansueto, dati nang kinasuhan si Fernandez sa Prosecutor's Office dahil sa away sa lupa.

Mayroon rin umanong may mga sama ng loob kay Fernandez, kabilang na ang sinampahan niya ng reklamo dahil sa utang, na maaaring naging motibo sa krimen.

- Ulat ni Yasmin Dormido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.