BuCor may teorya kung paano nakarating sa 'Building 14' ang COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 06:44 PM | Updated as of Jul 23 2020 09:54 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — May teorya na ang Bureau of Corrections (BuCor) kung paano nagkaroon ng COVID-19 sa Building 14 ng New Bilibid Prison (NBP), kung saan namamalagi ang maraming high-profile inmates. 

Sa kabila ng mga dokumentong ipinakita ng BuCor, hindi pa rin naniniwala ang pamilya at malalapit na kaibigan na COVID-19 ang ikinamatay ng kidnap-for-ransom convict na si Jaybee Sebastian.

Dalawang araw bago mamatay noong Sabado, nakausap pa raw ni Sebastian ang kanyang abogado.

"Sabi ng aming intel, maayos si Jaybee. Actually babalik na po siya sa Building 14 kaya po lumabas. Kaya nagulat na lang kami pagdating niya sa NBO Hospital, dead on arrival na... A few days ago, bago siya namatay, nabisita pa siya ng kaniyang lawyer, nakausap pa siya in person. He was okay. He was I think maayos na. Magaling na po siya," ani alyas "Annie," isang taong malapit kay Sebastian. 

Pero nanindigan ang BuCor na walang kadudaduda sa ikinamatay ni Sebastian, at ipinakita pa nila ang retrato ng bangkay nito. Sa death certificate, mga komplikasyon sa COVID-19 ang umano'y ikinamatay ni Sebastian. 

May teorya na rin ang doktor ng NBP Hospital kung paano kumalat ang COVID-19 sa Building 14 ng maximum security compound kung saan nakapiit ang mga high-profile inmate.

Aminado rin silang mahirap ipatupad ang physical distancing sa loob ng kulungan.

"Ito ang iniisip naming nangyari. Nagdu-duty ang personnel natin sa BuCor. Before they come in for work, nira-rapid test everybody. We do that regularly. There was a time na may pumasok sa Building 14 na personnel, nag-positive po sila sa rapid test. We quarantined them... We are 310 percent congested. Yan ang problema talaga and we cannot practice social distancing," ani Dr. Henry Fabro, NBP Hospital director. 

Nangako naman si Fabro na magdadagdag sila ng protocols sa pag-handle ng mga namamatay na inmate lalo na sa proseso ng cremation.

Si Sen. Richard Gordon naman, desididong imbestigahan ang umano’y death certificate for sale scheme sa bansa, bagay na itinanggi na rin ng BuCor na nangyayari sa Bilibid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.