PatrolPH

Bilang ng mga lumabag sa lockdown sa Navotas, umabot na sa 3,468

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 05:58 AM | Updated as of Jul 23 2020 11:27 AM

MAYNILA - Isang linggo na simula nang isailalim sa 14-day lockdown ang lungsod ng Navotas, pero patuloy pa ring tumataas ang bilang ng mga residenteng lumalabag sa quarantine protocols.

Sa pinakahuling tala ng Navotas city government, nasa 3,468 na ang bilang ng mga nahuhuli nilang lockdown violators. Ang 3,285 sa mga ito ay mga adult habang 183 naman ang mga menor de edad.

Karamihan sa mga nahuhuli ay mga nakitang walang suot na face mask, lumabag sa curfew, at hindi sumunod sa physical distancing.

Ang mga unang beses na mahuhuling walang face mask ay pagmumultahin ng P250 at 8 oras na community service, at P500 at 11 oras na community service naman para sa ikalawang beses na paglabag.

Maaari namang umabot sa P750 na multa at isang araw na community service kapag pangatlong beses na lumabag sa nasabing protocol.

Aabot naman sa P1,000 hanggang P3,000 ang multa ng mga lalabag sa iba pang protocols. 

Kasalukuyang may 625 active COVID-19 cases sa lungsod.--Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.