PatrolPH

Bagong Kaunlaran sa Valenzuela isasailalim sa community lockdown

Arra Perez, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 09:50 PM | Updated as of Jul 23 2020 11:00 PM

MAYNILA (UPDATE) - Isasailalim sa community lockdown ang Bagong Kaunlaran, Paso De Blas, Valenzuela mula alas-12 ng madaling-araw ng Hulyo 25 hanggang Agosto 9.

Ayon kay Valenzuela Mayor Rex Gatchalian, nasa 25 hanggang 50 porsiyento ng mga residente sa lugar ang nagpositibo sa COVID-19, batay sa nagdaang round ng swab test.

Sa ilalim ng community lockdown, bawal lumabas at pumasok sa komunidad.

Maaaring patawan ng multang P10,000 o pagkakakulong ng hindi lagpas sa 30 araw ang mga lalabag, batay sa COVID-19 spread prevention ordinance ng Valenzuela City; o multang P5,000, batay naman sa stay at home ordinance ng lungsod.

Rarasyunan ng pagkain at tubig ang mga residente ng 4 na beses at bibigyan din ng hygiene kits.

Magtatalaga naman ng medical command post para sa mga pangangailangang medikal at padala station kung saan puwedeng mag-iwan ng pagkain at mga pangunahing pangangailangan ang mga kamag-anak ng mga residente.

Nang tanungin kung papayagang lumabas at pumasok sa komunidad ang mga may trabaho, sinabi ni Gatchalian na walang papayagang makapag-labas masok sa lugar kapag ipinatupad na ang lockdown.

Sa text message, sinabi ng alkalde na binigyan ng sapat na panahon ang mga residente upang asikasuhin ang mga kailangan bago ang lockdown.

Batay sa pinakahuling tala, may 1,569 na kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Valenzuela kung saan 960 rito ang active cases.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.