ALAMIN: Epekto sa bansa ng halos P400-B inutang ng pamahalaan vs COVID-19

Kristine Sabillo, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 09:23 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Halos P400 bilyon ang inutang ng Pilipinas dahil sa covid-19 pero paano nga ba ito mababayaran at anong ibig sabihin nito para sa ordinaryong mga Pilipino?
    
Mula face masks para sa health workers hanggang ventilators para sa malubha ang sakit, walang tigil ang pangangailangan ng bansa para matugunan ang COVID-19 outbreak.

Dahil dito, umabot na ng $7.76 bilyon o P386.6 bilyon ang utang ng gobyerno at perang bigay ng international institutions para sa COVID-19 response.

Hindi pa binibilang dito ang interes sa utang na kailangang bayaran ng Pilipinas.

Sa datos ng Department of Finance (DOF) karamihan ay utang mula sa Asian Development Bank, World Bank, Asian Infrastructure Investment Bank, French Development Agency, at Japan International Cooperation Agency.

Hindi pa aabot ng isang porsyento ang grant assistance o tulong pinansyal na hindi kailangang bayaran.

Batay sa mga loan documents na sinuri ng ABS-CBN Investigative and Research Group, aabutin ng 7 hanggang 21 taon para mabayaran ang mga utang na ito.

Pero ayon sa DOF, sulit naman ito.

"We will be able to pay now this debt from the return on the investment of keeping our people healthy," ani DOF secretary Carlos Dominguez III.

Ngunit ayon sa isang political economist at sa Ibon Foundation, may hangganan dapat ang pangungutang.

"Dahil may hangganan ang taxes at may hangganan ang debt, ang third implication para sa karaniwang Pilipino magtitipid talaga ang government. Historically ang tinitipid nya social services," ani Sonny Africa, executive director ng Ibon Foundation.

Ayon sa Freedom from Debt Coalition, dapat tingnan ang mga kondisyong kapalit sa mga utang sa Official Development Assistance (ODA).

"Ang problema sa ODA usually nakakabit yan sa mga proyekto na gusto nilang suportahan. Andun ang kanilang paboritong proyekto, halimbawa sa Chinese ODA involved ang Chinese companies katulad sa Kaliwa Dam," ani Rene Ofreneo, presidente ng Freedom From Debt Coalition.

Sabi naman ng DOF, bukas naman sa publiko ang detalye dahil nakalagay ito sa kanilang website.

Bagama't iba-iba ang kanilang pananaw, naniniwala ang mga grupo na may pagkukunan pa ng pera ang gobyerno para naman hindi lalong maghirap ang mga ordinaryong Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.