4 na stranded na pasahero sa pier sa Maynila, nagpositibo sa COVID-19

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 04:26 PM | Updated as of Jul 23 2020 04:31 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA – Apat na stranded na mga pasaherong unang natulungan ng Philippine Ports Authority (PPA) ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa isang opisyal ngayong Huwebes.

“Sa pag-aaruga ng mga LSI (locally stranded individuals) at dinala natin sa multipurpose hall ng PPA, may apat na LSI doon ang nag-positive after nating ipa-swab test. Na-expose din po ang ibang tao natin doon,” sabi ni PPA General Manager Atty. Jay Santiago. 

Wala namang naibigay si Santiago na bilang ng mga kawani nilang na-expose at naka-quarantine.

“Sa pamamagitan ng contact tracing, na-obliga tayong ma-kwarentina ang ibang tao natin at yung pong mga tao natin ang gumagamit sa multipurpose hall ngayon,” sabi niya sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo. 

Dahil dito, nalimitahan ang kanilang pasilidad na gagamitin sana para sa mga stranded na pasahero sa pantalan, paliwanag ni Santiago.

“Ika nga, pipilay-pilay tayo ngayon in terms sa maasikaso po sila,” sabi niya.

Dagdag pa ng opisyal, hirap din sila sa pagbibigay ng pagkain sa higit 250 katao na kanilang inaasikaso ngayon sa terminal. 

“Dati po, may nagdo-donate ng pagkain. Ngayon po ay medyo naging matumal ang pagtulong sa pagkain, at ang PPA na lamang po at yung pong 2Go and yung nag-ooperate ng terminal, yung Manila North Harbor, ang nagtutulong-tulong para mapakain yung mga nag-travel po d'yan,” sabi niya. 

Ginagamit na rin ang ibang quarantine facilities sa PPA ng mga frontliners na nahawa ng virus.

Pakiusap ni Santiago sa publiko na huwag magtungo sa pantalan kung wala namang ticket dahil puno pa ang terminal ng mga stranded na pasahero, at para na rin maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

"Yung mga nasa labas na walang ticket, talagang nagpapaumanhin kami. Hindi namin maaasikaso talaga naman po kasi. Dapat umuwi na muna sila sa pinanggalingan nila, at wala po silang maaasahang makakabiyahe po dyan," sabi niya.