3 local gov't officials inireklamo sa Ombudsman dahil sa quarantine violations

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2020 04:31 PM

MAYNILA — Nagsampa ng mga kasong administratibo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa 3 opisyal ng iba't ibang lokal na pamahalaan dahil sa kanila umanong paglabag sa quarantine protocols. 

Sa isang statement, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na inireklamo nila sa Office of the Ombudsman ang alkalde at councilor ng Sto. Tomas, Pangasinan at alkalde ng Buluan, Maguindanao. 

Inireklamo ang 2 opisyal ng Sto. Tomas, Pangasinan dahil sa pagsasagawa ng birthday party kung saan nilabag ang curfew at patakaran kontra mass gathering. 

Samantala, kinasuhan naman ang alkalde ng Buluan dahil hindi umano nito nasawata ang kaniyang mga nasasakupan mula sa pagkukumpulan. 

Giit ni Año na batay na rin sa mga natanggap na reklamo, ebidensya at naging sagot sa show cause orders, lumabas na may naging kapabayaan ang mga ito.

Nagpadala rin ng letter of admonition at warning ang DILG sa ilang alkalde sa Central Luzon, Western Visayas, at Ilocos Region dahil umano sa paglabag sa protocol.

Tiniyak naman ng DILG sa publiko na aaksyunan nila ang anumang reklamo na kanilang natatanggap hinggil sa mga local official na hindi ginagawa nang maayos ang kanilang tungkulin

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.