Tanggapan ng SolGen dawit sa paghahanda ng Bikoy affidavit?

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 09:11 PM

Watch more in iWantTFC

Sa kabila ng pagtanggi ng Malacañang na wala itong kinalaman sa reklamong sedition laban kay Vice President Leni Robredo at iba pang taga-oposisyon, natuklasan ng ABS-CBN News na may kinalaman ang Office of the Solicitor General (OSG) sa paghahanda ng affidavit ng lalaking nagpakilalang si "Bikoy."

Sa pagsuri ng ABS-CBN News ng soft copy ng affidavit ni Peter Joemel Advincula, ang lalaking nagpakilalang si "Bikoy" na tampok sa "Ang Totoong Narco-list" videos, natuklasan na ang may-akda, at isa sa nag-edit ay kapwa nagtatrabaho sa OSG.

Ang isa sa kanila ang nag-akda habang ang isa ay nag-edit, at kapwa nasa iisang division sa OSG, base sa directory nila. 

Hindi muna papangalanan ng ABS-CBN News and 2 indibidwal na sangkot hangga't hindi sila nakapagbibigay ng pahayag.

Wala pang ibinibigay na tugon ang OSG sa hiling ng ABS-CBN News para sa interview o komento. 

Pinandigan noong Lunes ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na walang kinalaman ang gobyerno sa sedition complaint.

Iginiit din ni Panelo na walang kinalaman sa reklamo ang OSG.

Sa panayam ng ABS-CBN News kay Lorenzo "Larry" Gadon, abogado ni Advincula, iginiit nitong siya lang ang gumawa ng draft ng affidavit ng kaniyang kliyente at walang kinalaman ang gobyerno.

"Ako mismo, walang involvement ang government diyan," ani Gadon.

Nang tanungin ukol sa mga pangalang lumabas sa dokumento, sinabi ni Gadon na "clerical work" ito. 

Nang sabihin namang nagtatrabaho ang mga may-ari ng mga pangalan sa OSG, sinabi ni Gadon na maaari raw pina-review ng CIDG sa OSG ang affidavit.

"There's nothing wrong with that, nothing sinister with that," ani Gadon. 

Para sa isang constitutional law expert, hindi ilegal para sa OSG na tumulong sa pag-draft ng affidavit ni Advincula kahit isa pa ito sa maaaring makasuhan. 

"'Yong mga respondent eh opposition lahat kaya it might be seen as an attempt to silence the opposition," ani Pacifico Agabin, dating dekano ng University of the Philippines College of Law.

Inakusahan si Robredo at iba pang taga-oposisyon ng sedition dahil sa umano ay pagkakadawit nila sa "Ang Totoong Narco-list" videos na nag-uugnay sa pamilya ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kalakaran ng ilegal na droga.

Ang Criminal Investigation and Detection Group ang naghain ng reklamo sa DOJ base sa sinumpaang salaysay ni Advincula. 

Kasama sa mga kinasuhan ng sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice si Robredo, sina Sen. Leila de Lima at Sen. Risa Hontiveros, at dating senador na si Antonio Trillanes IV.

Sinisikap din ng ABS-CBN News na kuhanin ang reaksiyon ng oposisyon.-- Ulat ni Mike Navallo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.