SAPUL SA CCTV: Pamamaril sa pulis sa Malabon

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 09:17 PM

Watch more in iWantTFC

Nasapul sa closed-circuit television (CCTV) camera ang pagpatay noong nakaraang linggo sa isang pulis sa Malabon City nang pagbabarilin siya ng lalaking nakamotorsiklo.

Makikita sa kuha ng CCTV noong gabi ng Miyerkoles sa Barangay Potrero ang paghabol at pagbaril ng lalaking naka-helmet kay Police Staff Sgt. Orland de Leon.

Nagtamo ng 12 tama ng bala sa katawan ang pulis, na miyembro ng drug enforcement unit.

Posibleng may kaugnayan sa trabaho ang motibo sa pagpatay kay De Leon, ayon kay Col. Jesse Tamayao, hepe ng Malabon police.

Kagagaling lang daw ni De Leon sa drug operation at pauwi nang tambangan.

Nag-alok si Malabon Mayor Antolin "Len Len" Oreta ng P200,000 pabuya sa makapagtuturo sa mga responsable sa pagkamatay ng pulis.

-- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.