Mga 'Spiderman' ng Recto na nanunungkit ng kable ng kuryente arestado

Isay Reyes, ABS CBN News

Posted at Jul 23 2019 05:52 PM | Updated as of Jul 24 2019 07:36 PM

Surveillance video ng mga pulis 

Watch more in iWant or TFC.tv

Nakaharap ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga tinatawag niyang "Spiderman" ng Maynila o mga umano’y clipper ng kuryente sa lungsod matapos mahuli ang mga ito kagabi sa Recto Avenue.

Sa surveillance video, nakuhanan ng camera ang isa sa mga lalaki sa aktong panunungkit ng kable ng kuryente sa kahabaan ng Recto Avenue. Mula sa pangalawang palapag, pilit nitong inaabot ang nakabitin na kuryente. Puro naman mga vendor ang nakita sa video na nasa unang palapag. 

Nang tanungin ni Moreno kung sino ang nag-utos sa mga suspek, itinuro ng isa sa mga lalaki ang katabi nito. Depensa naman ng lalaki, ‘madilim kasi sa tindahan.’

Kinilala ang dalawa na sina Amador Cabauatan, 72, at Christian Garcia, 37, parehong residente ng Tondo, Maynila. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Biro ni Moreno, dapat aniya magbayad sa kaniya ang mga production company na gumagawa ng mga pelikula dahil nahuli ng kaniyang mga "Avengers" o mga pulis si “Spiderman.” 

"Dapat magbayad sa'kin ang Disney at Marvel kaya lang, nahuli siya ng Avengers," sabi ni Moreno. 

Panawagan ni Moreno sa taumbayan, tigilan na ang ilegal na pagkakabit ng mga kable ng kuryente na taumbayan ng lungsod ng Maynila ang nagbabayad. 

"Sa mga indibidwal na involved pa rin directly o indirectly sa mga pailaw, OK lang ako magpailaw ng vendors sa gabi, 'wag niyo lang kukunin ang kuryente na ang magbabayad ay taumbayan ng Maynila," aniya. 

Mahaharap ang dalawang suspek sa paglabag sa Republic Act 7832 o Anti-Pilferage Act. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.