Jeepney driver patay matapos pagbabarilin sa tapat ng mall sa EDSA

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 10:14 PM | Updated as of Jul 24 2019 06:44 PM

Watch more in iWantTFC

QUEZON CITY (2nd UPDATE)—Patay ang isang jeepney driver matapos pagbabarilin ng mga salarin na nakamotorsiklo sa tapat ng isang mall sa EDSA sa Quezon City nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Roel Malagueño na bise presidente ng Stop-and-Go Coalition-Muñoz-Monumento Chapter, isang samahan ng mga jeepney driver.

Ayon sa isang nakasaksi, sinabayan ng 2 hindi pa kilalang lalaki ang biktima sa kanto ng North Ave. pasado alas-8 ng gabi.

Dalawang beses binaril ng mga salarin si Malagueño bago tumakas.

"Binalikan pa siya nung nakita na 'di pa patay. Binaril ulit sa likod," kuwento ng nakasaksi.

Dahil dito, nawalan ng kontrol ang biktima sa kaniyang manibela at bumangga ang kaniyang jeep sa isang van.

Paniwala ng pamilya, may kinalaman sa posisyon sa samahan ng mga tsuper ang pagpatay sa biktima.

Nakatanggap na raw ng mga banta sa buhay si Malagueño noong 2018.

"Matagal na kasi may banta. Dati umuuwi na mabigat iniisip," ayon sa anak ng biktima.

Iniimbestigahan na ng criminal investigation and detection unit ng Quezon City Police District ang insidente.—Ulat nina Jeff Hernaez at Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.