Batang babae ginahasa, binugbog, isinilid sa sako sa Taguig

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 07:46 AM | Updated as of Jul 23 2019 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Nagpapagaling sa ospital ang isang 8-anyos na bata matapos umano siyang gahasain, bugbugin at isilid sa sako ng 33-anyos na lalaki sa Taguig City.

Base sa ulat ng Women and Children Protection Center ng Taguig City Police Station, nangyari ang insidente sa Barangay Ibayo-Tipas alas-3 ng hapon nitong Lunes.

Pauwi na ang biktima na grade 2 student nang alukin siya ng P200 ng suspek na nagtatrabaho bilang construction worker.

Nang makarating sila sa isang bakanteng lote, sinuntok at sinakal umano ng suspek ang biktima hanggang sa pagsamantalahan.

Sa akalang mamamatay ang bata, isinilid ng suspek sa isang sako ang biktima. Nang magkamalay ang bata, agad itong nagsumbong sa kaniyang magulang.

Ayon kay Maj. Christian Laygo, hepe ng investigation unit ng Taguig Police Station, nagsumbong sa mga awtoridad ang nanay ng biktima at ikinuwento ang nangyari.

Rumesponde agad ang pulis at nahuli ang suspek na nahaharap sa mga reklamong statutory rape at frustrated homicide in relation to Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Base sa resulta ng medical examination, mayroong senyales na pinagsamantalahan ang biktima. Nagtamo rin ang bata ng mga pasa sa mukha at katawan.

-- May ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.