Barangay chairman, tanod, patay sa pamamaril sa Cotabato

Arianne Apatan, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 09:07 PM

MIDSAYAP, Cotabato - Patay ang isang barangay chairman at tanod nang pagbabaralin sa labas ng isang kainan sa Barangay Poblacion Otso sa bayang ito Lunes ng umaga.

Pasakay na sana sa motorsiklo ang biktimang si Barangay Tumbras Chairman Alcon Guiabar Tubasan nang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga lalaki.

Nagtamo ng pitong tama ng bala sa katawan si Tubasan. Sugatan naman ang asawa nito na nagtamo ng tama ng bala sa braso.

Patay rin sa pamamaril ang kasama nitong barangay tanod na si Samanodin Inok na nagtamo naman ng tama ng bala sa ulo. 

Ayon sa asawa ni Tubasan, apat na lalaking pawang nakatakip ang mga mukha at nakasakay sa motorsiklo ang namaril sa kanila.

Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.