1 patay, 123 pamilya apektado sa sunog sa GenSan

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2019 10:51 AM

Barp Canizares

GENERAL SANTOS CITY - Isang 6-anyos na bata ang namatay nang sumiklab ang malaking sunog sa Barangay Dadiangas South, Martes ng madaling araw, ayon sa mga awtoridad.

Na-trap ang batang babae sa loob ng isa sa mga nasusunog na bahay, sabi ni Bong Dacera, action officer ng City Disaster Risk Reduction and Management Office.

"Naiwan siyang mag-isa sa bahay kasi nasa laray(palengke) ang mga magulang niya at nagtatrabaho," ani Dacera.

"Inilibing na agad 'yung bata alinsunod sa paniniwalang Islam," aniya.

Ayon sa mga opisyal ng barangay, nasa 123 na pamilya ang apektado ng malaking sunog.

Maaaring nagsimula ang sunog dahil sa pag-overload ng ilegal na koneksiyon ng kuryente, sabi ni Fire Chief Inspector Reginald Legaste, City Fire Marshall ng Bureau of Fire Protection.

Humigit kumulang P600,000 ang inisyal na halaga ng natupok na ari-arian sa insidente.

"We are going to declare the state of calamity at 'yung calamity fund na around P200,000 'yun 'yung gagamitin natin sa pagbigay ng financial assistance sa kanila," sabi ng kapitan ng barangay na si Rock Garay.

Noong Disyembre 2018, higit 100 pamilya din ang nasunugan sa Purok Islam dahil din sa overloading ng linya ng kuryente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.