Suspek sa droga, naharang sa checkpoint sa Davao City

Jasper Magoncia, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 10:56 PM | Updated as of Jul 23 2018 11:32 PM

DAVAO CITY - Naharang sa isinagawang checkpoint ng Task Force Davao sa Bunawan, Davao City si Faizal Amil Igasan alias Rasid Sarani Madayan, kasama ang siyam na buwang buntis na asawa, nitong Lunes ng umaga dahil sa dala umano nitong ilegal na droga at baril.

Ayon sa awtoridad, "high-value target" sa ilegal na droga si Igasan.

Sakay ng taxi ang suspek galing Panabo City na dumaan sa San Isidro, Bunawan papasok ng Davao.

"Nung pinara namin, biglang may inihulog ang suspek na nasa back seat. Nung tiningnan ko, mga sachet na may lamang white crystalline substance, kaya nag-agawan na kami," ayon kay Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) Active Auxiliary Mark Hamil Failog.

Nakuha ng awtoridad ang 12 sachet ng hinihinalang shabu na may street value na aabot ng P90,000 at mga drug paraphernalia.

Nakumpiska din ang isang baril.

Aminado naman si Igasan na sa kanya ang nakuhang ilegal na droga at baril.

Ayon kay Chief Insp. Estrello Ramiso, hepe ng Bunawan police, may warrant of arrest si Igasan sa Regional Trial Court dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.