SONA 2018: Yolanda survivors, may 'hiling' kay Duterte

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 02:47 PM | Updated as of Jul 23 2018 02:48 PM

Hindi umano palalampasin ng Yolanda survivors ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakatakda niyang ihayag Lunes ng hapon.

Ayon kasi sa mga nakausap ng ABS-CBN News, nais nilang marinig ang mga plano pa ng Pangulo para sa bansa.

Ilang Yolanda survivors din ang umaasang hindi pa rin nakakalimutan ni Duterte ang kaniyang mga pangako sa kanila.

Daing nila, hanggang ngayon kasi ay wala pang livelihood assistance na natatanggap mula sa gobyerno ang karamihan sa kanila.

Nag-aalala rin sila na hindi nila magiging pag-aari ang mga pabahay na tinitirhan nila ngayon.

Rebelasyon nila, wala kasi silang pinanghahawakan na titulo kundi occupancy permit lamang.

Ito ang ilan lamang sa mga isyung nais sana nilang maklaro mula sa gobyerno.

Gayunpaman, sinabi nilang tututok sila sa SONA at ang ilan pa'y titigil muna sa pagtitinda at pamamasada upang makinig sa Presidente.

—Ulat ni Jenette Ruedas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.