Halos 300 pamilya sa Olongapo City, inilikas dahil sa baha

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 12:46 AM | Updated as of Jul 23 2018 07:32 AM

OLONGAPO CITY -- Patuloy pa rin ang pag-ulan sa Olongapo City Linggo.

Papalayo na sa Philippine area of responsibility ang bagyong Josie pero nananatili ang mga pag-ulan dala ng hanging habagat.

Ayon kay Olongapo City Disaster Risk Reduction and Management Officer Angie Layug, nagkaroon ng landslide sa Barangay Mabayuhan dahil sa lakas ng ulan at pagbaha kung saan dalawang bahay ang apektado.

Mayroon ring mga iniligtas mula sa landslide, kabilang ang isang dalagita, at nasa mabuting kalagayan na sila ngayon.

Ayon naman kay City Public Affairs Officer Anthony Bayarong, umabot sa 10 talampakan ang baha sa 16 na barangay sa siyudad ngayong araw.

Nasa 285 na pamilya, o 1,346 na indibidwal ang inilikas dahil sa baha.

Watch more in iWant or TFC.tv

Isang 73-anyos na lalaki ang itinakbo sa ospital sa hiling ng kanyang pamilya para maiwasan umano na atakihin siya sa puso. Isinakay siya sa bangka ng mga rescuer para maihatid sa ospital.

Bahagyang tumila ang ulan bandang alas-5 ng hapon pero muling bumuhos ngayong gabi.

Nakabantay ang mga lokal na opisyal sakaling muling tumaas ang baha.

Ayon sa PAGASA, asahan pa rin ang tuloy-tuloy na pag-ulan ngayon Lunes sa ilang bahagi ng Luzon, kabilang na ang Olongapo City, dahil sa hanging habagat.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.