Duterte may 'sorpresa' sa ikatlong SONA: Malacañang

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 01:23 PM | Updated as of Jul 23 2018 01:50 PM

Mayroong aasahang "ikasosorpresa" ang mga makikinig at manonood sa ikatlong State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte alas-4 ng hapon Lunes. 

Iyan ang rebelasyon ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar. Pero hindi na siya nagbigay ng detalye. 

"Merong mga sorpresa na dapat abangan ng ating kababayan," aniya.

Dagdag ni Andanar, sa isinagawang technical rehearsals sa Malacañang sa bisperas ng SONA ay mataas umano ang enerhiya ng Pangulo.

Ibinahagi niyang "relax" at "nagbibiro" din ang Pangulo kasama si Joyce Bernal na siyang direktor ng SONA 2018.

Pagtitiyak ni Andanar, kaya ng pangulo na tapusin ang kaniyang talumpati sa loob ng 35 hanggang 40 minuto.

Pero aniya, di pa rin maiiwasan na mag-adlib si Duterte kaya maaaring lumagpas pa rin ito sa tantiya. 

Una nang sinabi ni Special Assistant to the President Bong Go na nasa 16 pahina ang magiging talumpati ni Duterte. —Ulat ni Dexter Ganibe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.