Baha sa Hermosa, Bataan aabot sa 10 talampakan ang lalim

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2018 11:40 AM

Baha sa isang barangay sa Hermosa, Bataan. Raphael Bosano, ABS-CBN News

MAYNILA - Lumubog sa baha ang mga bahay sa malaking bahagi ng Hermosa sa Bataan dahil sa tuloy-tuloy na mga pag-ulan nitong nakaraang linggo dulot ng pinalakas na hanging habagat. 

Ayon kay Hermosa Mayor Jopet Inton, hindi bababa sa 20 sa kabuuang 23 barangay sa bayan ang lubog sa baha kaya patuloy ang rescue operation ng lokal na pamahalaan. 

Sabi ni Inton, bagama't may mga panawagan nang lumikas, maraming residente ang mas piniling manatili sa kanilang mga bahay sa pag-asang huhupa agad ang baha.

Aabot sa 10 talampakan ang lalim ng baha sa ilang lugar sa Hermosa. Mabagal ang pahupa ng baha dahil ang bayan ay catch basin ng tubig mula sa mga karatig bayan.

 

Ilan sa mga residenteng lumikas ay nananatili muna sa ilang eskuwelahan at mga kapilya na ginawa munang evacuation center.

Bukod sa Hermosa, matindi rin ang baha sa ilang bayan sa Bataan tulad ng Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, at Mariveles. Nasa state of calamity na rin ang Dinalupihan at Balanga City. 

Patuloy na magpapaulan ang habagat sa Luzon at Visayas, ayon sa PAGASA, kahit papalayo na sa bansa ang Bagyong Josie.

--ulat nina April Rafales at Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.