Pacquiao, nag-inspeksiyon sa Ilog Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 06:23 PM

MANILA - Pinangunahan ni Senador Manny Pacquiao ang inspeksiyon sa Ilog Pasig, Linggo, tatlong araw matapos atasan ni Pangulong Rodrigo Duterte na manguna sa rehabilitasyon ng ilog.

Sakay ng isang ferry boat, ininspeksiyon ni Pacquiao ang ilog mula Plaza Mexico station sa Maynila, hanggang sa Guadalupe at Pinagbuhatan station sa Pasig.

Ayon kay Paquiao, balak gawing world-class transport system ang Pasig River Ferry Service na makakatulong din makaluwag sa trapiko sa Metro Manila.

Habang nag-iinispeksiyon, nagulat ang senador sa kanyang nakita sa Ilog Pasig, na akala niya noong una ay hindi na gaanong marumi. 

"Akala ko 'di na masyadong ganoong karumi. Nung bumibiyahe tayo bakit ganoon kalala? Kailangan natin linisin," ani Pacquiao na chairman din ng komite sa Public Works at Sports.

Balak maglagay ng eco-tourism park sa gilid ng Ilog Pasig para may mapasyalan ang mga tao, ayon sa senador. Target matapos ang balak na transport system sa loob ng tatlong taon.

Hulyo 20, nagpulong ang Pasig River Rehabilitation Commission, Metro Manila Development Authority at Laguna Lake Development Authority para sa rehabilitasyon na gagawin sa Pasig River.

Si Pacquiao ang naitalaga ng Pangulo na manguna sa dalawang nasabing ahensiya sa rehabilitasyon, kasama na rin ang Department of Transportation. 

Nakasaad sa Executive Order 65 na dapat tiyakin ng PRRC ang rehabilitasyon ng Pasig River System at maibalik ang ganda nito na maging kaaya-aya sa transportasyon, libangan at turismo.