3 bata nalunod sa construction site sa Cebu

Leleth Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 08:44 AM

Photos courtesy of San Fernando MDRRMO

CEBU - Patay ang tatlong bata matapos malunod sa ginagawang drainage ng isang subdivision sa Sitio Lacaron, Brgy. Pitalo sa San Fernando, Cebu.

Kinilala ang mga biktima na sina Ringgo Cañeda, 9 taong gulang; Rodrigo Cañeda, 7 taong gulang at TJ Evanez, 7 taong gulang.

Ayon sa ina ng magkapatid na Cañeda, na si Charito Cañeda, bandang alas kwatro ng hapon noong Sabado, nagpaalam ang dalawa na maliligo sa ulan.

Hindi naman akalain ng ina na tutungo pala ang mga ito sa ginagawang subdivision ilang kilometro lang ang layo sa kanilang bahay.

Dahil sa pag-ulan na nararanasan sa Cebu, naipon ang tubig sa ginagawang drainage at umaabot na ang lalim nito sa walong talampakan.

Umabot sa kalahating oras ang retrieval ng magkapatid at tumagal naman ng isang oras bago nakuha ang labi ni Evanez.

Ayon naman sa mga pulis at rescue unit na rumesponde sa insidente, walang mga warning sign sa construction site. Makakatukong raw sana ito para maiwasan ang anumang sakuna.

Wala rin daw gwardiya na nakabantay sa gate ng construction site.

Hiling naman ng mga magulang ng mga biktima sa may-ari ng construction site na tulungan sila sa gastusin lalo na sa pagpapalibing sa tatlong bata. Ayon sa mga magulang, hindi pa nakikipag-ugnayan sa kanila ang may-ari.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.