1 patay sa banggaan ng 2 bus sa Samar

Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News

Posted at Jul 23 2017 07:53 PM


Courtesy of Jose Ampuyas

SAMAR - Patay ang isang drayber matapos magsalpukan ang dalawang bus ng Samar Bus Line sa Barangay Binanalan sa bayan ng Sta. Rita, Samar Linggo ng tanghali.

Ayon kay PO3 Almer Mirasol, imbestigador ng Sta. Rita Police, galing sa Tacloban City at papuntang Calbayog City ang bus na minamaneho ni Arlan Obejas.

Pagdating nito sa kurbadong bahagi ng kalsada sa Barangay Binanalan, nag-overtake ito sa isang pampasaherong van kaya sumalpok ito sa kasalubong na bus na galing Calbayog City papuntang Tacloban City na minamaneho naman ni Noli Opinano.

Patay sa aksidente si Obejas habang dinala sa ospital si Opinano at 21 pasahero ng dalawang bus. 

Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.