HONG KONG -- Ipinagdiwang ng iba-ibang samahan ng mga migranteng Pilipino sa Hong Kong ang ika-37 anibersaryo ng United Filipinos in HK o UNIFIL-Migrante-HK na ginanap sa Repulse bay beach noong July 10, 2022. Aktibo ang UNIFIL sa pangangalampag sa gobyerno at mga kinauukulang ahensiya sa pagtugon sa mga kapakanan at karapatan ng mga manggagawang Pilipino sa syudad.
Mga lumahok sa UNIFIL-Migrante-HK's 37th anniversary celebration noong July 10, 2022
Dinaluhan ang event ng mahigit sa 200 katao mula sa member organizations ng UNIFIL, maging ng iba pang alyansa at mga organisasyon kabilang na ang Filipino community. Kabilang sa mga dumalao ang Asian Migrants’ Coordinating Body o AMCB-IMA, HK Campaign for Human Rights and Peace in the Philippines, Mission for Migrant Workers at Bethune House Migrant Women Refuge na pawang katulong ng UNIFIL sa pagbibigay serbisyo sa mga nangagailangang OFWs sa HK.
Binigyang diin ni UNIFIL Chairperson Dolores Balladares-Pelaez ang ilang kampanya at proyekto ng samahan na tagumpay na nagsulong sa kapakanan ng mga kababayang manggagawa sa syudad. Kabilang na rito ang pagkakabasura sa force remittance taong 1985, pagtaas ng sahod matapos ang wage cut noong 2003, pag-abolish sa levy at pagbubukas ng Konsulado tuwing Linggo.
Mga lumahok sa UNIFIL-Migrante-HK's 37th anniversary celebration noong July 10, 2022
Sa kasagsagan din ng COVID-19 pandemic hanggang ngayon ay patuloy ang panawagan ng UNIFIL para sa pagbibigay ng karampatang serbisyo sa mga OFW na dinadapuan ng virus kabilang na ang pagbubukas ng temporary isolation shelter facilities mula sa gobyerno ng Hong Kong.
Nagbigay saya naman sa mga dumalo sa pagdiriwang ang mga palaro tulad ng trivia games, bring me at raffle draw kung saan nakapag-uwi ng prizes ang mga nanalong participant.
Inabangan din sa event ang pag-aanunsyo ng mga nagwagi sa UNIFIL Song Writing Competition 2022 kung saan anim ang mga naging kalahok:
- “Pangarap” ni Letty Bandol Ordono ng United Church of Christ in The Philippines o UCCP HK
- “Makabagong Bayani” ni Ody Munson ng Horizons International
- “Pandemya” ni Alma Bangayan ng Social Justice For Migrant Workers
- “Masdan Mo ang Kapaligiran” ni Khate Nening (anak ng myembro ng Filipino Migrants Association o FMA)
- “Tara Na, Panahon Na” ng Filipino Migrant Workers Union o FMWU GPO Chapter
- “No To Mandatory Fees” ng PSU at Migrante Pangasinan
Ang mga sumusunod ang tinanghal na nagwagi sa songwriting competition:
1st Prize winner - “Makabagong Bayani” ni Ody Munson ng Horizons International
2nd Prize winner - “Masdan Mo ang Kapaligiran” ni Khate Nening
3rd Prize winner - “Tara Na, Panahon Na” ng FMWU GPO Chapter
“Most Liked award” - “Pandemya” ni Alma Bangayan ng Social Justice For Migrant Workers
Mga lumahok sa UNIFIL-Migrante-HK's 37th anniversary celebration noong July 10, 2022
Nagpasalamat naman si UNIFIL Vice Chairperson Shiela Tebia-Bonifacio sa lahat ng miyembro at mga naging katuwang ng samahan sa mga napagtagumpayang proyekto at kampanya para sa tunay na serbisyo hindi lamang para sa mga OFW kundi para na rin sa kani-kanilang pamilya.