Paghihiganti ang isang motibong iniimbestigahan ng awtoridad sa pamamaril sa biktima. Ayon sa pulisya, inakusahan ng suspek ang biktima na siyang pumatay sa anak nito. Larawan mula sa Matanao Police
Patay ang isang lalaki matapos barilin sa harap mismo ng kaniyang ina Miyerkoles ng umaga sa Purok 4, Barangay Colonsabac, sa bayan ng Matanao, Davao del Sur.
Kinilala ang biktima na si Cristobal Mangcal Akdang, 27-anyos, habang ang 49-anyos na suspek ay ang balae ng kaniyang ina.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pumunta sa Barangay Colonsabac ang biktima kasama ang kaniyang ina para maghatid ng pera sa bahay ng suspek para may magamit panggastos sa 40 days mula sa pagpanaw ng bayaw ng biktima.
Mabuti umano ang pag-uusap ng suspek at ng ina ng biktima matapos matanggap ang pera.
Pero bigla lang umanong pumasok ang suspek sa bahay nito at lumabas na may dala nang baril.
Binaril nito ang biktima sa ulo na naging sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Paghihiganti ang tinitingnan ng pulis na motibo sa krimen.
Ayon sa pulisya, inakusahan ng suspek ang biktima na siyang pumatay sa kaniyang anak noong Hunyo 26.
Pinaghahanap pa ng awtoridad suspek na tumakas matapos ang pamamaril.
- Ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.