PatrolPH

Lalaki binaril habang natutulog sa footbridge sa Quezon City

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 07:12 AM | Updated as of Jul 22 2021 09:41 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nasa kritikal na kondisyon ang isang lalaki matapos pagbabarilin habang natutulog sa isang footbridge sa kanto ng EDSA at Quezon Avenue sa Quezon City Huwebes ng madaling araw.

Kinilala ang biktima na si Jose Ronillo Conde, residente ng Barangay Bagong Pag-asa, batay sa mga ID na nakuha sa kaniya.

Nangangalakal ng basura ang biktima at karaniwang natutulog sa footbridge lalo na kapag umuulan sa gabi. 

Ayon kay Jayson Garganera ng Quezon City Task Force Disiplina, nasa may outpost sila ng Task Force Disiplina na malapit lang din sa nasabing footbridge nang makarinig sila ng putok na akala nila ay sumabog na gulong ng sasakyan.

Kalaunan ay may mga lumapit na sa kanila para i-report ang nasabing pamamaril.

Isang basyo ang nakita malapit sa katawan ng biktima, pero walang nakakita sa suspek.

Agad naman rumesponde ang mga rescuers upang lapatan ng paunang lunas ang biktima bago isinugod sa East Avenue Medical Center.

Iniimbestigahan pa ng Project 6 Police Station ang posibleng motibo sa krimen. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.