PatrolPH

Ilang pagguho ng lupa naitala sa Olongapo City sa kasagsagan ng ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 07:44 AM

Naitala ang pagguho ng lupa sa ilang barangay sa Olongapo City sa kasagsagan ng pag-ulan nitong Miyerkoles.

Simula pa nitong Martes, inabisuhan na ng mga opisyal ng Barangay Kalaklan sa Olongapo City ang mga residente sa Purok 3 Upper na lumikas dahil sa pagguho ng lupa na naitala sa lugar na maaring maging panganib sa mga naninirahan.

Dinala sa Sergia Soriano Integrated School 1 ang mga inilikas habang hindi pa tiyak na ligtas ang mga ito sa panganib.

Gumuho rin ang ilang bahagi ng gilid ng kalsada sa Old Cabalan Highway dahil sa walang tigil na buhos ng ulan mula pa noong weekend. 

Nilagyan na ng kordon ang nasirang bahagi at nilagyan na rin ng mga sako ng buhangin para maiwasan ang aksidente.

Samantala, nasira ang temporary bypass bridge sa Barangay San Pablo sa bayan ng Castillejos sa Zambales dahil rin sa malakas na ulan.

Kinailangan pang isakay sa bangka ng rescue team ng bayan ng Castillejos ang ilang residente para makatawid sa rumaragasang agos ng ilog.

Kaagad ding rumesponde ang Engineering Team para gawan ito ng paraan dahil kasalukuyang under construction ang Lanipan Bridge.

- ulat ni Gracie Rutao

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.