PatrolPH

Ilang kalye sa Maynila at Quezon City binaha; daloy ng trapiko bumagal

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 08:25 PM | Updated as of Jul 23 2021 12:02 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA (UPDATED) - Bunsod ng walang patid na buhos ng ulan ay binaha ang ilang kalye sa Maynila at Quezon City nitong Huwebes.

Ang kanto ng UN Avenue, Gen. Luna at Taft Ave. ay abot hanggang binti ang taas ng tubig. May mga sasakyan na lumulusong sa baha pero mas marami ang hindi na tinangkang dumiretso dahil sa taas ng tubig. May mga taong naglalakad sa baha, nakataas ang pantalon at hindi alintana ang sakit na puwedeng makuha sa tubig baha. 

Maging sa Padre Faura ay tumaas ang tubig, kaya ang mga sasakyan ng patawid dito ay nagatubiling dumiretso papunta sa bahagi ng Korte Suprema.

Ang mga nasa Taft Ave. naman ay pumuwesto sa gilid ng center island dahil sa taas ng tubig. Kaya bumagal ang daloy ng trapiko, northbound man o southbound.

Ang Maria Orosa ay gutter-deep ang tubig, pero nadaanan naman.

Humina ang ulan bandang 6:15 ng gabi pero nagpatuloy ang pagkulog at pagkidlat. Bago mag-alas-7 ay may ilang pasaherong nag-aabang ng masasakyan sa bahagi ng España Avenue malapit sa Vito Cruz Street, sa southbound lane ng Taft Avenue mula Kalaw hanggang makalampas ng Remedios Street.

Kahit na huminto ang ulan, mataas pa rin ang baha tulad na lamang sa northbound lane ng Roxas Boulevards mula sa Cuarteles Street hanggang Arquiza Street. May bahagi rin sa loobang bahagi ng Malate na mataas pa rin ang tubig.

Sa Remedios Street, may ilang bumibili ng pagkain na hindi na bumababa mula sa kanilang mga sasakyan. Iilan lamang ang lumulusong dahil abot tuhod ang baha. Mayroon ring ilang bitbit ang kanilang mga scooter o bisikleta habang naglalakad sa baha.

Malalim na rin ang tubig sa Mabini Street palabas sa Taft Avenue kaya hindi na tumutuloy ang mga mababang sasakyan.

Sa Quezon City, ilang bahagi ng Sto. Domingo at N.S. Amoranto Streets ang nalubog sa baha dahil sa patuloy na pag-ulan.

Umakyat hanggang beywang ang lebel ng baha sa Sto. Domingo Street sa Barangay Sto. Domingo.

Alternatibong ruta sana ang Sto. Domingo para sa mga gustong tumagos sa Del Monte Avenue at maging C-3 road kaya maraming sasakyan ang sumubok na dumaan kanina. Pero nang makita ang lebel ng baha mula palang Antok street, nagdalawang isip na ang mga motorista na suungin pa ang baha. 

Sa N.S. Amoranto Sr. Avenue naman, umabot rin hanggang beywang ang lebel ng tubig. Sa kanto ng N.S. Amoranto Sr. Avenue at Biak na Bato, lagpas tuhod rin ang baha, kaya hindi makadaan ang mga motorista maging ang mga nakabisikleta.

Sa bandang N.S. Amoranto kanto ng Araneta naman, may isang sasakyan nang tumirik sa gitna ng kalsada at nalubog sa baha.

Ayon sa mga residente, kanina pang tanghali mataas ang lebel ng tubig at patuloy lang itong tumataas habang hindi tumitila ang ulan.

Matindi na rin ang trapiko na naranasan sa ilang kalapit na kalsada tulad ng Don Manuel at Calamba Street dahil kaniya-kaniyang paghahanap ang mga sasakyan na maiikutang kalsada para makaiwas sa baha.

Ayon naman kay Bernie Alcuetas, Barangay Public Safety Officer ng Barangay Siena, isa sa mga barangay na nakakasakop sa Sto. Domingo Street at N.S. Amoranto, madali bahain ang mga kalsada dahil sa problema sa drainage o mga baradong kanal.

Paliwanag niya, regular naman umano ang ginagawang paglilinis ng lokal na pamahalaan pero dahil tuloy pa rin ang problema sa disiplina ng pagtatapon ng mga basura kaya paulit ulit lang ang pagbara ng mga kanal.

Samantala, patuloy naman ang pag-iikot ng mga taga Quezon City Police District Station 1 sa Barangay Sto. Domingo para i-monitor ang lebel ng baha at pagsabihan ang mga bata na lumalangoy sa tubig para makaiwas sa mga sakit tulad ng leptospirosis.

Ayon sa PAGASA, dala ng habagat na pinalakas ng Bagyong Fabian ang pag-ulan sa Kamaynilaan.

—Ulat nina Wheng Hidalgo at Joyce Balancio, ABS-CBN News 

KAUGNAY NA ULAT

Watch more on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.