PatrolPH

Higit 30 pamilya inilikas sa Lemery, Batangas dahil sa walang tigil na ulan

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 12:32 PM

Higit 30 pamilya inilikas sa Lemery, Batangas dahil sa walang tigil na ulan 1
Inilikas ang ilang residente mula sa Barangay Palanas sa bayan ng Lemery sa Batangas sa pangambang tumaas pa ang baha sa lugar. Larawan mula kay Lemery Mayor Larry Alilio

LEMERY, Batangas - Inilikas na ang higit 30 pamilya mula sa Barangay Palanas ng nasabing bayan, dahil sa walang tigil na pag-ulang dala ng habagat. 

Ayon sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan, hindi pa kataasan ang baha pero kinailangan nang ilikas ang mga residente dahil inaasahang tataas pa ang lebel ng tubig dahil sa tuloy-tuloy na buhos ng ulan.
 
“Hindi naman sa ganung kataasan pa, kaya sila umalis kasi continuous yung pag-ulan so pag continuous baka mamaya biglang maipit sila dun sa kanilang lugar sa area nila, baka hindi sila makalabas kaya minabuti nito na pumunta na sa evacuation center,” sabi ni MDRRMO-Lemery head, Jess Tolentino.

Naiwan pa ang mga kalalakihan na residente ng barangay para magbantay ng kanilang bahay, pero susunod na rin ang mga ito sa kani-kanilang pamilya, aniya.

Sa kasalukuyan ay nananatili ang mga lumikas na residente sa covered court ng Lemery kung saan nag-tayo ng modular tents ang lokal na pamahalaan para sa kanila.

Sinisiguro naman na masusunod ang physical distancing lalo na't mayroon pa ring pandemya.
 
“One modular tent per family, 'yun ang ginawa namin,” saad ni Tolentino.

Ayon sa MDRRMO, nagsimulang bahain nang husto ang Barangay Palanas simula noong pumutok ang bulkang Taal.

“Ang buong Poblacion area po is flood prone area, pero mas binaha po ang Barangay Palanas, katulad ng pagputok ng bulkan mas binaha po ang Barangay Palanas,” sabi niya.

Sa higit 40 barangay sa Lemery, 19 ang kasalukuyan nilang binabantayan.
 
Inaasahan naman ng LGU na madaragdagan pa ang mga ililikas na residente kung hindi titigil ang pag-ulan. 

- Ulat ni Andrew Bernardo

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.