PatrolPH

Criminology student, patay matapos saksakin ng kapitbahay

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 03:02 AM | Updated as of Jul 22 2021 08:57 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Patay ang 20 anyos na criminology student na si Junel Talan matapos pagsasaksakin ng kapitbahay nilang tricycle driver gabi nitong Martes. 

Ayon sa kwento ng kanyang mga kapatid, pauwi na ang kapitbahay nilang kinilalang si Matias Avenido Jr. Nagmamaneho noon si Avenido ng tricycle, na hindi magkasya sa makipot na eskinita dahil sa mga nakaparadang motorsiklo sa tapat ng bahay ng biktima. Hindi naman sa pamilya ng biktima ang mga motorsiklo. 

Sa kuha ng CCTV, nakitang bumaba ang suspek sa kanyang tricycle at saka pinagkakatok ang bahay ng biktima. Nag-amok ang suspek na nauwi sa pambubugbog sa pagitan ng suspek at kapatid ng biktima. 

Naglabas ng kutsilyo ang suspek at nasaksak si Talan sa dibdib na kanyang ikinamatay. Natapyas naman ang labi ng kanyang kapatid, habang sugatan naman sa braso ang isa pa niyang kuya. Sugatan din sa ulo ang tiyahin ng biktima.

Nang isugod sa ospital, tumakas ang suspek at dumaan sa likod ng bahay. 

Hinahanap pa ngayon ang suspek na si Avenido, na nakatakdang kasuhan ng murder at physical injuries. Humihiling ng hustisya ang pamilya at nananawagan sa suspek na sumuko na. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.