PatrolPH

Bagong batch ng COVID-19 vaccines dumating na sa ilang lugar sa VisMin

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 12:55 PM

Bagong batch ng COVID-19 vaccines dumating na sa ilang lugar sa VisMin 1
Dumating ang bagong batch ng mga COVID-19 vaccine ng Pfizer sa Davao City, Hulyo 22, 2021. Screengrab mula sa video ng Department of Health-Davao Region

Nakatanggap na ng panibagong batch ng mga bakuna kontra COVID-19 ang ilang lokal na pamahalaan sa Visayas at Mindanao ngayong linggo.

Nitong umaga ng Huwebes, dumating ang 51,480 doses ng bakuna ng Pfizer sa Davao City na sinundan ng pagdating ng 72,000 doses ng Sinovac vaccines.

Dinala ang mga bakuna sa storage facility ng Department of Health sa Davao region. Nakatakda umanong ipamahagi ang mga bakuna sa iba't ibang vaccination site sa rehiyon.

Magugunitang naantala ang pagbabakuna sa ibang lugar sa rehiyon dahil sa kakulangan ng supply.

Sa tala naman ng lokal na pamahalaan ng Davao City hanggang Hulyo 20, umabot na sa 314,968 ang nakatanggap ng first dose ng bakuna habang 126,541 ang nakakuha ng 2 dose.

Nakatanggap din ang General Santos City ng nasa 20,000 doses ng bakuna kontra COVID-19.

Magkakahalong mga bakuna ng Johnson & Johnson, Sinovac, AstraZeneca at Sputnik V ang natanggap ng General Santos, ayon sa pahayag ng city government.

Dumating na rin sa Kalibo, Aklan ang 15,000 doses ng COVID-19 vaccine ng Johnson & Johnson.

Mula Kalibo International Airport, agad itong inilipat sa cold storage facility para sa inventory.

Kamakailan din ay tumanggap ang lalawigan ng 11,000 doses ng AstraZeneca vaccine.

Sa Baguio City naman, kahit masama ang panahon ay dinagsa ng mga tao ang 3 vaccination site sa lungsod.

May mga pumila sa vaccination site na hindi na umabot sa head count kaya napauwi na lang.

Iginiit naman ng Baguio city government na ginagawa nito ang lahat para mabigyan ng bakuna ang mga residente sa lugar.

— Ulat nina Hernel Tocmo at Micaella Ilao

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.