PatrolPH

2 barangay sa bayan sa Occidental Mindoro, na-isolate dahil sa baha

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2021 01:25 PM

2 barangay sa bayan sa Occidental Mindoro, na-isolate dahil sa baha 1
Lubog sa baha ang ilang lugar sa Santa Cruz, Occidental Mindoro, Hulyo 22, 2021. Santa Cruz Municipal Disaster and Risk Reduction Management Office

Na-isolate ang 2 barangay sa Santa Cruz, Occidental Mindoro dahil sa matinding pagbaha na dala ng masamang panahon, ayon kay Mayor Meriam Quijano.

Ayon kay Quijano, sa tindi ng baha ay na-wash out ang detour bridge sa Barangay Lumang Bayan, dahilan para ma-isolate ang mga barangay ng Dayap at Barahan.

Abot hanggang baywang ang tubig-baha sa ilang lugar sa Santa Cruz dahil sa walang tigil na pag-ulang dala ng habagat.

Sa tala naman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, lubog sa baha ang mga barangay ng Alacaak, Barahan, Dayap, Poblacion 1, Poblacion 2, at San Vicente.

Nasa 86 pamilya o 361 indibidwal naman ang apektado ng pagbaha. Ang iba sa kanila ay nasa mga evacuation center.

Naghahanda na ang lokal na pamahalaan ng relief goods para sa mga apektadong residente.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.