PatrolPH

When in Baguio Eats: Magkaibigan bumuo ng delivery app para sa mga maliliit na kainan, negosyo

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 11:30 AM

BAGUIO CITY - Naisipan ng magkaibigan sa siyudad na ito na bumuo ng food delivery app na layong tulungan ang mga maliliit na negosyong nawalan ng kita habang may quarantine. 

Binuo ng magkaibigang Clifford Gonzales at Maui Fernando ang "When In Baguio Eats" para matulungang bumawi ang mga maliliit na kainang umaaray ngayong may lockdown. 

"Nagba-browse kami [tapos sabi namin] bakit panay big brands lang ang mga nasa apps na 'to? So nag-create kami ng mobile application na magpa-pioneer o magpu-push ng local businesses ahead kasi marami kaming kaibigan na labis naapektuhan ng pandemic na 'to," ani Fernando. 

Mababa lang anila ang kanilang komisyon sa mga food business, na 10 porsiyento kumpara sa ibang delivery app na 30 porsiyento umano. 

"Kasi noong una may mga kaibigan akong vendor tapos bawat isa sa kanila may kuwento... Nakaisip kami ng way ni Maui para matulungan sila," ani Fernandez. 

Ilan lamang sa mga nakakakinabang sa mga app nila ang mga street vendor, mga driver din ng mga taxi na tigil-biyahe, maging ang mga maliliit na kainan. 

Isa sa mga gumagamit nito ang food business ni Jahmela Benitez, na may puwesto noon sa Saint Louis University. 

"Sobrang laki ng tulong kasi bukod sa maadvertise kami for free may taga deliver pa," ani Benitez. 

Mada-download ang app sa Play Store. 

Plano rin ng magkaibigan na maisama sa kanilang negosyo ang mga pasalubong at sinig na gawa ng local artists na nawalan ng pagkakakitaan dahil sa COVID-19 pandemic. 

-- Ulat ni Micaella Ilao, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.