PatrolPH

'Virtual effigy' ni Duterte inihahanda na ng mga grupo para sa SONA protest

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 06:49 PM

MAYNILA — Isa sa pinakaaabangang highlight ng bawat protesta ng mga militanteng grupo ay ang pagsusunog ng effigy ng kasalukuyang pangulo ng bansa. 

Pero dahil pandemya ay hindi magagawa ang tradisyong ito.

Ayon sa mga militanteng grupo, walang sunugan ng effigy ang magaganap sa rally na ikinakasa nila sa Hulyo 27, kasabay ng ika-5 State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sabi ni BAYAN secretary general Renato Reyes, ito'y para istriktong maipatupad nila ang physical distancing at makontrol ang mga lalahok sa pisikal na protesta. 

Sa halip ay gagawa na lang aniya ang mga artist mula sa grupong SAKA ng "e-ffigy" o ng virtual effigy at doon ipapakita ang pagsunog nito.

Ang video ay ipakikita sa kanilang gagawing programa sa mismong araw ng protesta at maaari rin aniyang gamitin ang video sa mga online protests.

Sa mismong araw naman ng SONA, sisimulan nila ang protesta ng alas-10 ng umaga at tatapusin agad pagsapit ng tanghali. 

Pupwesto sila sa harap ng tanggpan ng Commission on Human Rights sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.

Ang mga lalahok aniya ay tatayo sa marked areas habang nakasunod sa physical distancing, naka-face mask at may mga dala ring disinfectants.

Giit ni Reyes, nalimitahan man ng pandemya ang kanilang protesta pero hindi ito dahilan para hindi sila magsagawa ng physical protest.

Ito ay dahil sa tindi aniya ng pag-atake sa kalayaaan at karapatan ng Pilipino.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.