Tricycle driver patay sa pamamaril sa Maynila

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 05:29 AM

MAYNILA - Patay ang isang 26-anyos na tricycle driver matapos barilin ng hindi pa kilalang salarin sa Sampaloc sa lungsod na ito Martes ng gabi.

Bago umano pagbabarilin si Nonoy "Bungo" Benza, nakaparada ang tricycle sa tabi ng Ramon Magsaysay High School sa Dos Castillas Street sa Sampaloc kung saan natutulog ang biktima at ang kaniyang kinakasama at dalawa niyang anak.

Ayon sa isang testigo na nakakita sa pangyayari, pumarada sa tabi ng tricycle ang motorsiklong lulan ang dalawang lalaki bago maghatinggabi.

Bigla na lang umano naglabas ng baril ang angkas ng motorsiklo at pinaputukan ng isang beses ang tulog na biktima.

Notoryus na holdaper umano si Benza ayon kay Jolly Manganti, chairman ng Barangay 479, Zone 47. Madalas umano itong ireklamo sa mga awtoridad ito dahil sa panghoholdap sa mga bangko, panghahablot, at panghihipo.

Sinasabing nakaw pa ang bisikletang nakita sa tabi ng tricycle ng biktima. Aminado ang kinakasama ni Benzo na si Jomelyn Latoza na dinampot lang ni Benzo ang bisikleta dahil wala umanong may-ari nito.

Tinutukoy pa ang salarin sa pagpatay na nakasuot ng face mask, ayon sa mga testigo.