PGH 'umaapaw' na ang ward para sa COVID-19 patients

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 05:32 PM | Updated as of Jul 22 2020 06:42 PM

MAYNILA — Umaapaw na sa dami ng pasyente ang COVID-19 ward ng Philippine General Hospital (PGH), ayon sa tagapagsalita ng pagamutan nitong Miyerkoles.

Sabi sa TeleRadyo ni UP-PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario, umaabot na sa 215 ang COVID-19-related admission nila na lagpas na sa 210 bed capacity limit.

"Puno na po eh, umaapaw po. As of last night, 215 patients po ang COVID-related admissions namin. Nalagpasan namin yung aming 210 sinet na limit," sabi ni Del Rosario. 

Ang 40 rito ay sa nasa intensive care unit (ICU).
    
Sa 215, 193 ang confirmed COVID-19 cases, 15 ang suspects at 7 ang probable cases.

Kasama na rin dito ang 45 healthcare workers nila na naka-admit sa PGH.

MAS MATATANDA

Sabi pa ni Del Rosario, mas maraming matatandang may COVID-19 ang naa-admit sa PGH.

Ayon kay Del Rosario, napansin niyang magmula nang magluwag ng quarantine, mas maraming matatanda ang napapasok sa PGH dahil sa COVID-19, kumpara noong naka-lockdowm.

Marami rin aniya ang nagwo-walk-in sa kanilang emergency room na kanila agad isinasailalim sa swab test para malaman kung COVID-19 positive sila o hindi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.