MAYNILA - Pinababalangkas ng isang komite sa Senado ng mga panuntunan ang Department of Labor and Employment para sa mga guro at school personnel kasabay ng pagpayag ng gobyerno sa pagbubukas ng limitadong face-to-face classes sa ilang lugar.
Paliwanag ni Labor Employment and Human Resources Development Chairman Joel Villanueva, posible aniyang hindi akma ang mga panuntunan ng Department of Labor and Employment at Department of Trade and Industry sa mga paaralan.
"Bago po tuluyang payagan ang mga paaralan at training institutes na magpapasok ng mga estudyante, dapat pong magbalangkas ng mga panuntunan para sa kaligtasan ng mga guro at iba pang empleyado ng mga paaralan at training institutes," ani Villanueva sa isang pahayag.
Dapat aniyang makipagpulong na ang DOLE sa mga katuwang nito sa Department of Education, Commission on Higher Education, at Technical Education and Skills Development Authority para masigurong maiiwasan ang hawahan.
Sa pagpapatupad aniya ng safety protocol ay mabibigyan ng kasiguruhan ang mga magulang na ligtas nang pumasok ang kanilang mga anak.
Una nang nagbanggit ang DepEd na naglabas sila ng minimum health standards na dapat sundin ng mga paaralan nito.
Kasama sa mga patakaran ang pagsasagawa ng mga temperature check bago pumasok sa mga paaralan at tanggapan, pagtitiyak na may sapat na suplay ng mga sabon, alcohol, at disinfectant, at ang pagpapatayo ng mga clinic at sanitation at hygiene facilities.
May patakaran din ang DepEd sakaling magkaroon ng sintomas ng COVID-19 ang mga estudyante at guro. -- Ulat ni Robert Mano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, Senate, senado, senate committee, Joel Villanueva, face-to-face classes, face to face learning, edukasyon, education