PatrolPH

Muling paghigpit ng quarantine sa Bacolod City hinimok ng grupo ng mga doktor

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 01:11 PM


Isinusulong ng grupo ng mga doktor sa Negros Occidental na higpitan muli ang quarantine sa Bacolod City kasunod ng pagdami ng COVID-19 cases sa lugar. 

Ayon kay Dr. Michael Thomas Salvador, pangulo ng Philippine College of Physicians Negros Occidental Chapter, mas lumalabag ang mga residente sa minimum health standards gaya ng pagsuot ng face masks at physical distancing protocols ngayong naka-modified general community quarantine na sa lugar. 

Kaya anila, mainam na ibalik sa general community quarantine o kaya enhanced community quarantine ang lugar. 

"If the government deems it necessary, we would gladly support it and what's more alarming for us is mga health care workers ang tinatamaan mainly because there is increase in LSIs (locally stranded individuals) coming but more alarming is mga local transmission na hindi namin alam na nandito na pala," anila. 

Aabot sa 14 ang nadagdag sa COVID-19 cases sa Bacolod City, base sa bulletin ng Department of Health sa Western Visayas. 

Sa kabuuan, umabot na sa 72 ang COVID-19 cases sa Bacolod, at 272 naman sa Negros Occidental. 

Aminado rin si Vice Mayor El Cid Familiaran, na nagsisilbi ring chairman ng Bacolod coronavirus task force, na may local transmission na rin sa siyudad. 

Bukas siya sa sinasabi ng mga doktor na ibalik sa mas mahigpit na ECQ o GCQ ang siyudad pero dapat umanong pag-aralan pa ito ng lokal na pamahalaan. 

Una nang sinabi ni Negros Occidental Gov. Eugenio Jose Lacson na kung patuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa probinsiya ay handa na ang LGU na itaas muli ang lockdown sa GCQ. 

-- Ulat ni Marty Go, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.