Mga biyahe ng barko mula Maynila patungong N.Occidental, kinansela muna

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 11:20 PM

Stranded sa port sa Maynila ang ilang pauwi sana sa Negros Occidental dahil sa pagkansela ng biyahe ng barko patungo sa probinsiya. Martian Muyco, ABS-CBN News

Muling kinansela ang biyahe ng barko mula Maynila papuntang Negros Occidental, ayon sa Philippine Coast Guard nitong Miyerkoles.

Ayon kay Cmdr. Jansen Benjamin ng Philippine Coast Guard-Negros Occidental, may verbal instruction silang natanggap mula sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases na pansamantalang ihinto ang biyahe ng mga barko para sa mga stranded individuals patungong Western Visayas.

Stranded sa port sa Maynila ang ilang pauwi sana sa Negros Occidental dahil sa pagkansela ng biyahe.

Ayon kay Rayfrando Diaz, provincial administrator ng Negros Occidental, hiningi ng probinsya ang pansamantalang pagkansela ng trips para sa mga stranded na taga-Negros mula Manila dahil napupuno na naman ang mga quarantine facility ng probinsiya.

Sa nakaraang 4 na araw, mahigit sa 1,500 na mga stranded individual ang nakauwi ng probinsya sakay sa mga barko. Lahat ay wala umanong proper coordination mula sa IATF.

Dagdag ni Diaz na kahit ang mga quarantine facilities sa probinsiya ay puno na rin at humihingi na rin sila ng tulong.

Mabilis naman rin umano ang pagrelease ng resulta ng mga swab test ngayon kaya agad na makakauwi ang mga nag-negatibo sa virus.

Pagkalipas ng 3 araw, ayon kay Diaz, magbibigay sila ng update sa IATF kung ilan sa mga na-stranded ang pwedeng makauwi sa Negros Occidental.

Samantala, tuloy naman ang mga flights at biyahe ng barko mula Bacolod patungong Maynila.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.