MAYNILA - Iginiit ng grupo ng mga motorcycle manufacturer na delikado ang paglalagay ng barrier sa mga motorsiklo, kasabay ng pagpayag ng gobyerno sa backriding para sa mga mag-asawa o kaya mag-live in partner.
Ayon kay Virgilio Montaño, board of Director at Technical Committee Chairman ng Motorcycle Development Program Participants Association, dagdag-pahamak sa pag-operate ang mga barrier dahil wala anila ito sa orihinal na disenyo ng mga motor.
Sa katunayan aniya, ano man ang idadagdag sa motor ay dalawang taon pa dapat pinag-aaralan.
Bagamat suportado nila umano ang mga programa ng gobyerno sa transportasyon, takaw-aksidente ang pagkakaroon anila ng barrier sa mga motor.
"'Pag dinagdagan mo po ito ng metal shield na ito, exposed po kasi ang rider natin sa mga elements especially yung hangin po, yung wind drag na tinatawag," ani Montaño.
Bukas naman daw ang kanilang hanay na makiisa sa gobyerno para makagawa ng ibang disenyo ng protective feature sa mga pasahero ng mga motorsiklo.
Sapat na rin anila ang pagsuot ng helmet ng mga rider at backrider sa motor para maprotektahan mula sa pagkalat ng virus.
"Sa tingin namin yung naka-face shield, meron namang helmet ang rider at backrider at kung sakaling sa loob noon naka-face mask pa, sa tingin ko doble-doble na ang proteksyon noon," aniya.
Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, posibleng maglabas pa sila ng iba pang pagpipilian na disenyo para sa barriers na ilalagay sa mga motorsiklo.
Ayon sa datos ng Joint Task Force COVID shield, nasa halos 11,000 na ang nasita sa pag-aangkas sa motorsiklo at kasama na rito ang mga walang protective barrier.
Iginiit din ni Eleazar na mahalaga ang barriers para sa physical distancing.
Sang-ayon ang chairman ng motorcycle rights organization na si Jobert Bolanos na magkaroon ng barrier ang mga motor pero aniya, dapat pag-aralan munang mabuti ng mga eksperto para masigurong hindi makadagdag sa peligro ang disenyo.
"Ang art ng pag-angkas is a synergy between the rider and the passenger. Pagka nilagyan mo ng barrier yun, tinatanggal mo synergy na yun," ani Bolanos.
Binigyang-diin din ni Bolanos na taon ang inaabot ng disenyo ng mga motorsiklo para masiguradong ligtas at maayos ang takbo nito.
"Yung iba gumagawa ng... ang frame nya kahoy lang, yung iba gumagawa ng frame na ah kung ano-anong materials ang kanilang ginagamit," ani Bolanos.
Sinabi rin ni Dr. Vicente Belizario, dean ng UP College of Public Health, na nakakatulong ang barrier sa motorsiklo para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Huhulihin simula Hulyo 26 ang mga rider na lalabag sa protocols ng gobyerno. -- May ulat ni Jorge Cariño, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, transportasyon, transportasyon, motorcycle, accident, aksidente, transportation stories COVID-19 Philippines, COVID-19 backriding update, TV PATROL