Higit 600 stranded sa Manila North Harbor

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 04:18 PM | Updated as of Jul 22 2020 06:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Aabot sa 626 pasahero ang stranded ngayon sa Manila North Harbor matapos muling ipatigil ang pagtanggap ng mga locally-stranded individual (LSI) sa ilang probinsiya, ayon sa pamunuan ng pantalan.

Kabilang sa mga biyaheng apektado dahil sa pagtigil sa pagtanggap sa LSIs ay iyong mga papuntang Bacolod, Iloilo at Zamboanga.

"Ang isang governor ay nag-request na i-suspend ulit ang LSIs... hindi inaasahan ng mga LSI na sila pala ay hindi ulit tatanggapin," ani Manila North Harbor port manager Annie Manese.

Kasama sa mga stranded si Crisel Katipunan, na 2 araw nang tumutuloy sa tent ng Philippine Red Cross sa labas ng pantalan kasama ang kaniyang pamilya.

Siksikan sa loob ng tent kaya nag-aalala umano si Katipunan sa kalusugan nilang mag-ina.

Lalo umano silang nahirapan noong Martes nang biglang bumuhos ang malakas na ulan.

"'Di man kami makaupo kasi umaagos ang tubig dito," ani Katipunan.

"May nagrereklamo na walang kinakain. Buti kagabi may nagbigay [ng] arrozcaldo," aniya.

Ayon kay Manese, may alok na libreng shuttle service ang Manila North Harbor para ihatid ulit sa kanilang pinanggalingan ang mga stranded.

Inaayos na rin ng Manila North Harbor, katuwang ang ibang ahensiya ng gobyerno at pribadong kompanya, ang paglilipatan ng mga wala nang mauuwian.

"Gagawan natin paraan pero ganoon din po, walang comfort at maghahanap tayo ng magpapakain sa kanila," ani Manese. -- Ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.