General Services Office ng Bacolod City mananatiling sarado hanggang Lunes

Marty Go, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 05:55 PM

BACOLOD CITY - Mananatiling sarado ang General Services Office ng Bacolod City hangga't hindi pa lumalabas ang resulta ng swab test ng 20 empleyado nito.

Martes nang isara ang opisina matapos magpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang isa sa mga empleyado nito.

Bagama't bukas na ang ibang mga opisina sa Old City Hall matapos isagawa ang pag-disinfect noong Martes, minarapat na sa Lunes na magbalik ang operasyon ng GSO.

Sa isinagawang contact tracing napagalaman na ang kawaning nagpositibo sa virus ay pumunta rin sa Bacolod City Government Center kung kaya’t isinara rin ngayong Miyerkoles ang tanggapan ng BCGC para na rin makapag-disinfect sa loob at labas ng building.

Isinara rin ang Bacolod Bays Center na nagsisilbi bilang Bacolod Respiratory Outpatient Center dahil dito naka-assign ang nagpositibo na kawani ng GSO.

Ani City Administrator Em Ang, nag-disinfect din sa lugar at isinailalim sa swab test ang ilan sa mga personnel dito.

Dagdag pa ni Ang, dinala sa ospital ang ina at kapatid ng kawaning nagkasakit ng COVID-19 matapos makitaan ang mga ito ng sintomas ng virus.

Isinailalim din sila sa swab test.

Ni-lockdown na rin ang bahay nila sa Barangay Tangub.

May isang empleyado rin ang GSO na nagpositibo sa rapid test kaya pina-home quarantine ito at isinailalim sa RT-PCR test.

Samantala, may isang bangko rin sa Bacolod City ang pansamantalang isinara matapos magpositibo sa COVID-19 ang isang teller nito.

Isinailalim naman sa swab test ang lahat ng empleyado ng bangko.

Hindi pinangalanan ang bangko para hindi ma-discriminate ang mga empleyado nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.