BuCor pumalag sa mga nagdududa sa pagkamatay ng ilang Bilibid drug lords

Bianca Dava, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 07:14 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Para matuldukan na ang mga pagdududa sa pagkamatay ng mga inmate sa loob ng New Bilibid Prison (NBP), inilabas ng Bureau of Corrections (BuCor) nitong Miyerkoles ang retrato at mga death certificate ng 9 na namatay na high-profile na bilanggo dahil sa COVID-19.

Naaapektuhan na rin daw kasi ang mga personnel ng NBP sa mga paratang.

Sabado nang bawian ng buhay ang drug convict na si Jaybee Sebastian sa NBP Hospital sa Muntinlupa. Ipinakita rin ng BuCor ang retrato ng convict bago siya i-cremate.

Pero ang pamilya at ilang malalapit kay Sebastian, duda sa kanyang pagkamatay lalo’t hindi na raw nila nakita ang kanyang katawan.

Pero nanindigan ang BuCor sa cause of death ng convict at ng 8 iba pa na pawang mga bigating bilanggo rin.

Taliwas sa reklamo ng mga dalaw, nasasabihan naman daw nila ang mga pamilya ng mga nasawing preso kahit noong nagkasakit pa lamang ang mga ito base na rin sa kanilang protocol.

Dagdag pa ni NBP Hospital director Dr. Henry Fabro, hindi nire-require ang pagkakaroon ng witness sa proseso ng cremation ng mga labi ng COVID-19 positive, probable o suspect inmates.

Pero kinokonsidera na raw nila ngayon na magkaroon ng third party witness para dito matapos silang pagdudahan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.