PatrolPH

21,858 preso napalaya na sa gitna ng pandemya — DILG

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 01:25 PM

MAYNILA - Umabot na sa 21,858 preso ang napalaya upang ma-decongest o lumuwag ang mga bilangguan sa gitna ng COVID-19 pandemic, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).

Ang mga preso, na pinalaya mula noong Marso 17 hanggang Hulyo 13, ay galing sa 470 bilangguan sa ilalim ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), sabi ng DILG.

Sa nasabing bilang, 15,102 ang napalaya matapos magpiyansa, plea-bargaining, parole o kaya ay probation, habang 6,756 ang napalaya matapos mapawalang-sala o natapos nang serbisyuhan ang sentensiya.

Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, gumagawa na ng ibang hakbang ang BJMP para mabawasan ang mga nagsisiksikang preso, tulad ng pagtatayo ng dagdag na jail facilities at pagpapabilis ng mga court hearing.

Sa tala ng DILG sa mga jail unit, Central Visayas ang may pinakamataas na COVID-19 cases, na nasa 731. Sunod naman dito ang Calabarzon na may 146 cases at Metro Manila na may 139 cases.

-- Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.