2 babaeng inip na sa quarantine facility sa Davao del Norte, umalis sa tulong ng mga nobyo

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 09:26 PM

SANTO TOMAS, Davao del Norte - Dahil umano sa pagkaka-inip, umalis sa quarantine facility sa bayan ng Santo Tomas, Davao Del Norte ang dalawang babae Martes ng gabi nang walang pahintulot, sa tulong ng kanilang mga nobyo.

Isang repatriated overseas Filipino worker at returning resident na dating na-stranded sa Maynila ang mga umalis sa Santo Tomas College of Agriculture Sciences and Technology kung saan sila naka-quarantine habang hinihintay ang swab test result para sa COVID-19.

Nakita ng isang sibilyan na sa may kanal sa likod ng paaralan dumaan ang mga babae at sinundo pa ng kanilang mga nobyo, ayon sa imbestigasyon.

"Ang ilahang reason, kining usa, naboryong na kay sa entire Davao del Norte karon, nagpaabot pa mi sa swab result... Waiting for the result na sila. Wala gyud sila nakahulat. Ni-eskapo gyud," sabi ni Rowena Naungayan, municipal health administrator ng Santo Tomas.

(Ang kanilang reason, itong isa, nainip na, kasi sa entire Davao Del Norte ngayon, naghihintay pa kami sa swab result... Waiting for the result pa sila. 'Dii talaga sila nakapaghintay. Tumakas talaga.) 

"So, ang ilahang mga nagsundo, mga loverboy nila," dagdag pa ni Naungayan.

(Ang nagsundo sa kanila, mga loverboy nila.)

Agad namang natunton ng mga awtoridad ang dalawang babae sa kani-kanilang barangay sa Kinamayan at New Katipunan, kasama ang kanilang mga nobyo.

Dinala sila pabalik sa quarantine facility.

At dahil may close contact ang kanilang mga nobyo sa kanila, isinailalim na rin ang mga ito sa quarantine.

Sasampahan ng pamahalaan ng Santo Tomas ng kasong paglabag sa RA 11332, o Mandatory Reporting of Notifiable Disease and Health Events of Public Health Concern Act, ang apat.

"Under quarantine pa. So, dapat unta, gi-submit niya iyang sarili para mu-undergo gyud unta... Dili lang daw na karon nahitabo. Naa pa atong previous days, nisibat. Mura'g naandan na gyud siguro nila ni. Pagtuo siguro, di masakpan kay ang gwardya ra ang bantayan," sabi ni Police Maj. Frederick Deles, hepe ng Santo Tomas Police.

(Under quarantine pa. So, dapat sinubmit niya ang kaniyang sarili para mag-undergo talaga... 'Di lang daw ito ngayon nangyari. Meron ding tumakas nitong previous days. Parang nakasanayan na talaga nila, sa akalang 'di sila mahuhuli dahil ang guwardya lang ang binabantayan.)

Plano ng Santo Tomas LGU na magdagdag ng roving personnel sa quarantine facility at magkaroon ng surprise roll call sa mga persons under monitoring sa naturang pasilidad.

Batay sa pinakahuling ulat ng Department of Health Davao Region, nakapagtala na ng 104 confirmed COVID-19 cases sa Davao Del Norte, as of 5 p.m. ngayong araw ng Miyerkoles, kung saan, 59 rito ay aktibo.

Ang bilang ng gumaling ay 41, habang apat naman ang namatay dahil sa naturang sakit.

 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.