15-anyos na pinatay matapos magreklamo ng rape vs 2 pulis inilibing na

Ria Galiste, ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2020 07:32 PM

CABUGAO, Ilocos Sur — Inihatid na sa kaniyang huling hantungan nitong Miyerkoles ang 15-anyos na dalagita na pinatay dito matapos niyang ireklamo ng panggagahasa ang 2 pulis sa kanilang lugar.

Sumama sa libing ang mga kaanak, kaibigan, pati mga tagasuporta ng dalagita na pinatay noong Hulyo 2.

Ang ilan ay nakasuot ng t-shirt at mask na may nakasaad na panghihingi ng hustisya para sa napaslang na babae.

May mga tarpaulin din na nananawagan ng katarungan. 

Ang dalagita ay pinagbabaril ng mga nakamotorsiklong lalaki nang pauwi na ito kasama ng kaniyang tiyuhin at kapatid. Nagsampa sila ng pormal na reklamo laban sa 2 pulis na umano'y humalay sa kaniya at kaniyang pinsan.

Naisampa na ang kaso laban sa 2 pulis. 

HUSTISYA

Labis naman ang emosyon ng mga mahal sa buhay ng dalagita.

Tila may mga umaali-aligid pa rin daw sa kanilang paligid na tila nagmamatyag sa galaw nila.

Kaya naman hiling pa rin nila ang seguridad lalo na para sa ina at kapatid ng dalagita, pati na sa isa niyang pinsan na kasama niya noon na umano'y ginahasa ng mga pulis.

"Humihingi po kami ng hustisya dahil hindi po namin alam ang mga mangyayari dahil marami po silang kakampi. Hindi po namin alam kung sino sila. Dahil lahat po ng nangyayari sa amin nalalaman nila ibig sabihin po marami silang galamay kaya't takot na takot kami," ayon sa isa sa mga kaanak ng dalagita. 

Sa kabila nito, tuloy ang laban nila hanggang makamit nila ang hustisya.

"Ilaban namin hanggang sa kamatayan kahit mamatay kami isinusumpa ko... Humihingi kami ng agarang pagkamit ng hustisya para sa pamangkin ko," aniya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.