P2-B halaga ng mga pekeng produkto nakuha sa bodega sa Binondo

ABS-CBN News

Posted at Jul 22 2019 07:02 PM

Sinalakay ng Bureau of Customs ang ilang kuwartong nagsisilbing warehouse ng mga pekeng branded products sa Binondo, Manila nitong hapon ng Lunes.

Batay sa inisyal na assessment ng BOC, aabot sa P2 bilyong halaga ng pekeng produkto gaya ng bags, pabango, relo, lotion, at mga sabon ang natagpuan ng ahensiya sa mga kuwarto, na napapaloob sa ikalimang palapag ng isang mall.

Ikinasa ang operasyon sa bisa ng reklamo ng mga brand owners ng mga ginayang produkto.

Ayon kay Vincent Maronilla, Assistant Commissioner ng BOC, tukoy na nila ang mga may-ari ng mga produktong nagrerenta sa mga kuwarto pero hindi pa rin aniya tukoy ng mga awtoridad kung saan galing o gawa ang mga ito.

Dagdag ni Maronilla na maaaring ipinuslit lamang sa loob ng mga lehitimong shipment ang mga produkto kaya ito nakalusot.

Nagbabala rin ang BOC sa mga mamimili na bumili lamang sa mga kilalang tindahan para masegurong authentic ang mga produkto.

Ipinaalala naman ni Teodoro Pascua, Deputy Director General ng Intellectual Property of the Philippines, na nakakasama sa katawan ang paggamit ng pekeng produkto dahil posibleng magdulot ito ng mercury poisoning.

Isasailalim pa ng BOC sa inventory ang mga produkto para malaman kung magkano talaga ang aabutin ng mga ito.

Isasailalim din sa imbestigasyon ang mga nagrerenta sa mga units para matiyak kung sila ba ang nagmamay-ari ng mga produkto.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.